Huwebes, Nobyembre 03, 2011

ang mga lalakeng tumatak sa aking puso, 1


Aidie
Dati ordinaryo lang ang tingin ko sa‘yo. Nung una, pag andiyan ka wala pang malisya. Wala pang ilangan. Wala pang landian. Pero nag-iba iyon nung ako’y nagsimula nang lumandi. Masisisi mo ba ako? Parati kang naglalaro ng basketbol malapit sa bahay na naka-topless. Sa lahat ng mga kapitbahay nating lalakeng kalaro mo dun, ikaw talaga ang nangingibabaw kasi matangkad ka at makisig. Ang sarap mo lalo kapag nahuhuli mo’kong nakatitig sa iyo. Lalo mo lang akong nilalandi. Parati mong itinataas yung shirt mo kapag ika’y dadaan sa harap ng bahay na para bang sinasabi mong ‘sabihin mo lang at game ako’..shett. Ang gwapo mo talaga pag lumalandi. Mas nakuha mo pang tumitig sa’kin ng matagal kaysa sa akin. Hindi ko talaga kaya, nahihiya ako. Minsan pa nga sinadya mo talagang umihi sa bakod na nakatapat sa harap ng bahay para makita ko...at yun na nga nakita ko. Isa yung obvious GO signal. Pero natakot ako. Alam ko na alam mo na malaki . . . . na malaki talaga . . . ang pagnanasa ko sa iyo kasi kahit pilit kong tinatago yun, alam mong guilty ako dahil hindi ako makatingin sa iyo ng diretcho. 
Minsan bigla kang dumating sa bahay dala ang napakadaming kamias. Punong-puno pa yung kamay mo at me nakalagay pa sa bulsa ng shorts mo. Hindi mo yun mauubos at imposibleng uubusin mo yon. Tinitigan mo ako sabay alok . . . . . ng kamias. Nung nakita mong andun pala ang kuya ko, na kabarkada at kaklase mo, bigla kang nag-iba. Humingi ka agad ng asin sa kanya at kaswal na nakipag-usap. Nang tumalikod na si kuya tiningnan mo ulit ako at sabay ng pilyong ngiti inalok uli ng kamias. Ayaw ko sanang kumain pero medyo napilitan akong subuin subukan ang alok mo. At inabot mo nga ang kamay mong punong-puno. Shett ang laki ng kamay mo. Feeling ko ang tagal kong tinitigan ang mga braso mo. At kumuha na ako ng isang piraso. Iniisip kong doon sana sa bulsa mo kukuha pero bumalik na si kuya dala ang asin na hiningi mo. Bulungbulungan din sa atin na jinyowa mo si Kit—isang kilalang out na beki sa atin. Shett, ang swerte niya. Nainggit talaga ako. Halos mamatay ako sa inggit. Ako sana yun, pero hindi. Minsan na nila kayong nahuling naghalikan. Sa mga panahong gusto kong aliwin ang sarili ko ikaw agad ang pinapantasya ko. Iniisip ko ang pilyo mong ngiti; ang pagtaas ng shirt mo sa tuwing dadaan ka na sa harap ng bahay; ang pagtitig mo; ang kunwaring paghiram mo ng gitara kahit meron ka...ang boses mong malalim; ang balikat mong malapad; ang iyong tangkad at tikas; at ang pawisan mong katawan sa tuwing ika’y katatapos lang maglaro ng basketbol. Parati kitang napapanaginipan sa gabi. Oo, pati sa panaginip ko, andun ka. Doon—tayo ang magkasama. Doon hindi ako naduduwag at ginagawa ko sa iyo ang gusto kung gawin. Hindi ka naman umaalma. Gusto mo rin ang ginagawa ko sa iyo. Sa kagustuhan kong hindi na sana matatapos ang aking mga panaginip, parati na lang akong biglang magigising at hindi na iyon matatapos. Parati na lang ganon ang nangyayari. Paulit-ulit. Hindi ko alam kung bakit. Ilang taon pa ang lumipas at tayo’y ganon pa rin—at ako, naiilang at walang lakas ng loob para kagatin ang nakakatakam mong imbitasyon. Nalaman ko na lang isang araw na kayo na pala ni Ven—ang girlaloong kapitbahay nating medyo patay din sa’yo. Close friend ko si Ven. Napag-iwanan na talaga ako. Ang duwag at bagal ko kasi. Pero kahit kayo na ganun pa rin ang ipinapakita mo sa akin. Ang iyong paglalandi; ang iyong pagtitig; ang iyong pagngiti—hindi pa rin nagbago. Medyo nasasaktan na ako nun kasi alam kong hindi ako makikipagkumpetensiya sa isang babae. Kahit na sabihing lamang ako, babae pa rin yon. Hindi pwede. Mas maganda kayong tignan sa nakararami. Mas bagay kayo sa kanila.
Nagulat ako sa sinabi mo isang araw nung bigla kang lumitaw sa bahay. Gusto mong magpatulong sa decoration sa kasal niyo ni Ven. Kasal? Magpapakasal na pala kayo? Gumuho ang pag-asa ko, ang aking inspirasyon, ang aking pagnanasa, ang paghanga sa iyo...lahat gumuho. Tumanggi ako kasi me ginagawa ako noong mga panahong iyon. Submission din ng mga projects sa school. Pero higit sa lahat, tumanggi ako kasi ayaw kong tumulong sa inyo. Ayaw kong maging parte sa kasal niyo. Nabigla ako sa balita. Hindi ako umimik. Hindi ako nagsalita, wala rin akong masabi. Ilang minuto ka ring naki-usap, nakikisuyo, pero hindi kita mapagbibigyan.  Andun ka lang sa pinto, nakatayo. Halatang hindi ako masaya. Medyo matagal kang nakatayo, hinihintay ako...tahimik ka lang. Hindi na kita tiningnan kasi medyo naluluha na ang mga mata ko nun. Siguro ganon lang talaga ang kahihinatnan natin. To be fair din sa’yo, matagal-tagal ka na ring nakikipag-flirt pero hindi ko binili yung mga paglalandi mo. Takot lang kasi ako kasi hindi pa ako out. At, maya-maya pa’y umalis ka na...Agad kong pinahiran ang nangingilid kong luha at ipinagpatuloy ko na lang ang aking ginagawa. At pinagpatuloy ko na rin ang aking buhay. Siguro, naisip ko, iyon ang dahilan kung bakit hindi matapos-tapos ang maganda kong panaginip sa ating dalawa. Kasi hindi nga rin matatapos, walang kahihinatnan. Ngayon, nakikita pa rin kita paminsan-minsan pero hindi na gaya ng dati ang nararamdaman ko sa iyo. At ganun ka rin sa akin. Hindi na gaya ng dati. . . .hindi na nga gaya ng dati.


ito po xa, ang object ng aking lust.






Disclaimer: Ang ilan sa mga larawang nakapaskil sa post na ito ay hindi orihinal na pagmamay-ari ng blogger.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento