Miyerkules, Enero 17, 2018

anghel kong pansamantala

maliit ka pa lang sinubaybayan na kita. ako  ang iyong  weird pero cute  na  stalker. me nakikita kasi akong kakaiba, me angas ang dating pero misteryoso na animo’y palaging me malalim na iniisip dahil  ang yong mga matang mapupungay ay parating nakatingin sa malayo. isa kang badboy na  good boy: alam mong kalian maging good at kalian maging bad. unti-unti ka nang napapansin sa atin ng mga taong noong una’y hindi man  lang tumitingin sa ‘yo.
 
halos araw-araw kitang nakikita at araw-araw ring gumaganda ka lalo sa paningin ko, at tumatagal lumalalim ang  sekretong paghanga ko sa iyo. ang iyong boses ay nakakawala ng pagod, ikaw ang liwanag sa mga mabagyong araw sa buhay ko, lalo na ngayon. ang iyong tindig, ang iyong tangkad, ang iyong anino, ang iyong presensiya, ang sarap ng iyong pagtawa, halos lahat kabisado ko na.

gusto kong  tumingin ka sa akin. ngitian mo pa ’ko lalo. kausapin  at  kaibiganin. yon ang mga gusto kong gawin mo,

John Mark.

noong mga sandaling nalapit ka sa kinaruruonan ko, ako naman ang hindi makakibo, hindi ko man lang magawang tumingin at hindi ako mapakali na tila ba gusto ko nang umalis sa kinauupuan at pumasok na lang sa bahay. kompleto na kasi ang araw, nakita na kita sa malapitan.

hahaay, John Mark. di ko na alam ang gagawin ko dito. tulungan mo naman ako oh..

minsan nang ako’y naupo sa harap ng tindahang pinagbilhan mo, nagkasalubong sa wakas ang ating mga tingin. ngumiti ka ng kunti, ikaw at ang mga tingin mong tumatagos. natakot ako kasi di alam kung pano mag-react. oo, mananatili akong ganito, nahihiya at takot sa mga bagay-bagay. takot dahil hanggang ngayon nagtatago pa rin ako sa pagkataong  hindi naman ako. alam kong ako dapat gumawa ng move dahil  ako ang me gusto sa  iyo, pero sa kadahilanan, di ko magawa-gawa.

noong bagong taon nagkaroon ako ng pagkakataong sandali kang kausapin. isang maliit na pag-uusap lang ‘yon, generic ang topic at di rin nagtagal. pero parati ‘yong bumabalik sa aking isip. ano kaya kung ginawa ko ganito? ano kaya kung sinabi ko ganito sa kanya? mananatiling magtatanong.. bago ako tumuloy sa silid, mag-aalas tres na  rin kasi ng umaga at inaantok na, tapos na rin ang kasiyahan sa labas, nahuli kitang nakatingin sa akin sa malayo.

heto na naman ako, nagdadrama, nag-iemote. sa wastong edad kong ito, pilit ko na sanang pabayaan na lang ang mga bagay na hindi mahalaga, mga bagay na di dapat bigyan ng kahulugan, mga bagay na nakaka-distract. pero ikaw, hindi na ako natuto. paulit-ulit na lang akong  ganito. ewan, basta sa ngayon ituturing na muna kitang anghel, at ang misyon  mo ay pasayahin at i-inspire ako araw-araw. at araw-araw ko ring ipagpasalamat habang andyan ka pa. kasi gaya ng mga dati kong anghel, bigla na lang silang lumilipad palayo pagkatapos gampanan ang kanilang misyon. dahil sila pala ay kinusang pansamantala lamang, kasi sila ay nakalaan na sa mga mas nangangailangan at  mas babagay sa kanila. :)